Pag Ibig Ayon Sa Isang Pakete ng Tide Ultra (repost)
Sabi ko ayokong maglaba sa gabi,
‘di ko alam kung bakit.
siguro’y ayoko lamang nang nakikita ng mga bituin
ang bawat pagkusot at pagpiga.
pero kagabi…
totoo…
naglaba ako.
Sinamantala ko ang pangungulimlim ng mga bituin
sa malungkot na ulap,
at natiyak kong maputi ang aking nilabhan,
sinunod ko ata ang bawat instruksyon
sa likod ng pakete ng tide ultra.
Una… kunin sa timba ang damdaming
matagal nang ibinabad.
Pangalawa… kusutin mabuti, pabulain…
pabulain upang tiyak na matatanggal ang
kabiguan ng dalisay na pagmamahal.
Ikatlo… dahil nahuli na sa sikat ng
araw na s’yang pagbibilaran,
lagyan na lamang ng clorox upang matanggal
ang mga mantsa ni Eros.
Ikaapat… banlawan, maraming banlaw,
at tiyaking maisasama sa tubig ang lahat
ng sentimyento’t panghihinayang.
Ikalima… itapon sa kanal ang tubig upang
maisama sa burak ang mga pagal na pagsinta.
Ikaanim… isampay sa mahanging lugar ang
nilabhang damdamin, hayaan itong makahinga at lumaya,
matagal na rin naman itong iningatan
ng pusong naghihintay.
Magmunimuni pagkatapos… napigaan ko na ang
mga damit, mahigpit at mariin, nakalimutan ko
na lamang pigain ang tubig sa aking mga mata.
Paalam… samantalang nagpapatuyo muna ako
ng mga damit, mga mata, sana’y
walang nakakita, sana’y ilihim ng buwan
ang lahat ng pangyayari.
Salamat sa pakete ng tide ultra.
-by an ABPhilosophy student of PUP
No comments: